MANILA, Philippines – Patuloy na popondohan sa 2025 budget ang libreng assessment para sa pagbibigay ng national certifications (NCs) ng senior high school (SHS) learners sa ilalim ng technical-vocational livelihood track (TVL).
Taglay din nito ang isang special provision na gagawing mandatory para sa SHS-TVL learners na sumailalim sa libreng assessment.
Dahil dito ay inaasahang mapapabuti ang certification rates at mapapalakas ang employability ng SHS-TVL learners.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, isinulong niya ang alokasyon ng P438.162 milyon sa ilalim ng 2024 national budget para pondohan ang mga libreng assessment at certification program ng SHS-TVL learners.
“The funding, however, remained largely unutilized, especially because participation in the program is voluntary,” ani Gatchalian.
Sa 1,039 SHS-TVL learners na kumuha ng assessment noong nakaraang taon, 926 ang nasertipikahan.
Target sa 2024 national budget na masertipikahan ang 420,967 graduates para sa Academic Year 2023-2024, ngunit ibinaba sa 197,077.
“To ensure the continuation of the free assessment and certification for SHS-TVL learners under the 2025 national budget, PHP275.86 million is allotted for the program on top of the unutilized funds from fiscal year 2024,” sinabi ni Gatchalian.
Ang alokasyon ay ilalagay sa badyet ng Department of Education.
“Patuloy nating pagsisikapang mabigyan sila ng libreng assessment para sa kanilang national certification. Maliban sa paglalaan ng pondo, isinulong din natin ang polisiya para maging mandatory sa mga mag-aaral ng TVL sa senior high school ang sumailalim sa assessment.” RNT/JGC