MANILA, Philippines – Umabot sa mahigit P6.8 milyon ang halaga ng mga nasamsam na illegal na droga sa iba’t ibang operasyon sa Sorsogon noong Disyembre.
Iniulat ni Colonel Alex Daniel, Sorsogon police director, nitong Sabado, Enero 4 na nakarekober sila ng 1000.5384 gramo ng shabu at 0.2518 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng P6,803,691.
Ani Daniel, isinagawa ang limang operasyon noong Disyembre na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong drug suspects.
Nakumpiska rin ng pulisya ang isang abandonadong drug package.
Noong Disyembre 23, nadiskubre ng mga awtoridad ang isang kahon na naglalaman ng halos isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6 milyon sa Matnog Port.
Iniwan ito roon ng hindi pa natutukoy na indibidwal.
Samantala, naaresto rin ng Sorsogon police ang anim na most wanted persons at 27 iba pang katao sa nasabing buwan.
Labing-anim na indibidwal ang inaresto dahil sa illegal gambling, habang 34 ang inaresto sa illegal fishing at walo sa illegal logging. RNT/JGC