MANILA, Philippines – Inihayag ni Negros Occidental Gov. Eugenio Jose Lacson na ang P50 milyong tulong mula sa pamahalaan para sa mga evacuees ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon ay tatagal lamang ng halos isang buwan.
Ani Lacson, hindi pa nagagamit ng pamahalaang panlalawigan ang naturang pondo ngunit nakababahala umano kung paano nito patuloy na masusuportahan ang mga evacuee kung magpatuloy ang pag-aalburoto ng bulkan.
Sa kasalukuyan ay ginagamit ng provincial government ang sarili nitong badyet sa ilalim ng state of calamity na tatagal ng isang buwan.
Araw-araw ay gumagastos ito ng P1 milyon para makapagpakain ng dalawang beses sa nasa 10,000 evacuees mula nang pumutok ang bulkan noong Disyembre 9.
Hindi lamang pagkain ang sakop nito kundi maging ang labor, ayon kay Provincial Administrator Rayfrando Diaz.
Plano ni Lacson na makipagpulong sa Office of Civil Defense para sa posibilidad na payagan nang makauwi sa kanilang mga tahanan ang ilang evacuees. RNT/JGC