MANILA, Philippines- Layon ng Department of Trade and Industry (DTI) na palawakin ang entertainment industry sa bansa ngayong taon sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mas malawak na exposure sa mga international market.
Sinabi ni Trade Secretary Cristina Roque na ang ahensya ay nakatakdang isulong ang mga lokal na pelikula at teleserye sa agresibong batayan dahil sa world-class Filipino talent.
Dahil din sa dumaraming Pilipino sa ibang bansa, sinabi ni Roque na nakipagpulong na siya sa Film Academy of the Philippines (AFP) kung paano itutulak ang naturang content sa buong mundo.
Binigyang-diin ni Roque na ang Filipino horror films ay humahakot ng papularidad sa Indonesia habang ang adult films tulad ng streaming service na VMX o dating Vivamax ay nakakuha ng atensyon ng mga manonood sa mga bansa tulad ng South Korea.
Dagdag pa niya, interesado rin ang ibang bansa sa mga local romantic-comedy na pelikaula gayundin sa mga lumang teleserye.
Sinabi pa ni Roque na ang laguange barrier ang ‘major concern’ sa ngayon para sa mga pelikulang Pilipino at teleserye sa ibang bansa kaya naman kinakailangan aniya ng subtitles o dubbing upang maging accessible ang content sa international audiences.
Sa suporta mula sa Foreign Trade Service Corps (FTSC), layunin din ng DTI na palakihin ang mga relasyong business-to-business (B2B) sa pagitan ng mga producer ng pelikulang Pilipino at ng kanilang mga dayuhang katapat.
Binigyang-diin ni Roque na handa silang magbigay ng plataporma para sa mga independent filmmakers at iba pang artista na interesadong dalhin ang kanilang mga obra sa ibang bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden