Home NATIONWIDE Epektibong local contact tracing mahalaga sa pagtugon vs mpox – DOH

Epektibong local contact tracing mahalaga sa pagtugon vs mpox – DOH

MANILA, Philippines – Mahalaga sa paglaban sa pagkalat ng mpox sa bansa ang epektibong local contact tracing, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Sabado, Agosto 31.

Sa panayam ng DZBB, sinabi ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na bagamat hindi hinihimok, may Karapatan ang mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng screening sa posibleng mpox patients.

“We are not encouraging it kasi mag-i-slowdown ang takbo ng mga tao. What is important is the ability to contact trace locally,” ani Domingo.

“Mayroon naman tayong Clade 2, matagal nang umiikot, mas mabilis dapat ‘yung contact tracing than border control,” dagdag pa niya.

Ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention, ang mpox virus ay may dalawang clades, ang Clade 1 na nagdudulot ng mas maraming sakit at nagdudulot ng kamatayan, at ang Clade 2 na isang ‘less severe virus’ na nagdulot ng global outbreak noong 2022.

Ngayong lingo, binigyang mandato ng pamahalaan ang mga pasahero na papasok at palabas ng bansa na ideklara kung sila ay may rashes, vesicles o blisters sa nakalipas na 30 araw bago ang kanilang biyahe.

Nakikipagtulungan din ang DOH sa Food and Drug Administration para pangasiwaan ang pagpasok ng antiviral treatments para sa mpox sa bansa.

“May compassionate special permit na puwedeng gawin at balak gawin ng DOH Research Institute for Tropical Medicine. ‘Pag ganon not longer than two days, puwede magpasok ng antiviral,” sinabi ni Domingo.

Sa kasalukuyan ay may limang aktibong kaso ng mpox sa bansa. RNT/JGC