MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Foreign Affairs na wala pang desisyon sa panawagang ipagbawal ang deployment ng overseas Filipino workers sa Kuwait.
Inihayag ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na kailangan nilang pag-aralang mabuti ang panukala katuwang ang Department of Migrant Workers at ikonsidera ang ilang salik sa pagpapatupad ng potential moratorium.
“We will have to really study this very carefully, taking into account iyong protection of our workers at saka iyong relations with the country concerned, in this case, Kuwait. So, iyon ang kailangan naming pag-aralan,” aniya sa isang panayam nitong Biyernes.
“Well, we’ve not yet … wala pa naman decision pero we’re studying it closely at saka kung ano iyong mga effects kung sakaling magkaroon ng ban,” dagdag ni Manalo.
Nauna nang iginiit ni Senator Raffy Tulfo na pinuno ng Senate Committee on Migrant Workers, na magpatupad ng deployment ban sa Filipino domestic workers sa Kuwait kasunod ng pagkamatay ng OFWs na sina Dafnie Nacalaban at Jenny Alvarado. RNT/SA