Home NATIONWIDE Epekto sa kalusugan ng mga pamatay-insekto ibinabala ng NGO

Epekto sa kalusugan ng mga pamatay-insekto ibinabala ng NGO

Nagbabala ang environmental NGO na BAN Toxics sa publiko at hinihimok ang mga ahensya ng regulatory agencies na tugunan ang mga panganib na dulot ng mga mapanganib na kemikal at pollutants na pamatay-insekto.

Ito ay sa gitna ng pagtaas ng kaso ng mga dengue kung saan sa datos ng Department of Health (DOH) nagpapakita ng 33% na pagtaas mula Enero 1 hanggang Àgosto 3 kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Ayon kay Thony Dizon, advocacy at campaign officer ng grupo, ang mga mosquito coil ay mga produktong pamatay-insekto na ginawa mula sa pinaghalong sintetikong kemikal, tulad ng mga pyrethroid, kabilang ang esbiothrin, at mga materyal na nakabatay sa halaman na pumipigil sa kagat ng lamok, pinagdikit na coil, at at maaring masunog sa loob ng humigit-kumulang 8 oras.

Kapag nagsimula na itong masunog, ang mga pamatay-insekto ay sisingaw kasama ng usok upang makatulong sa pagtataboy o pagpatay sa mga lamok at ilalabas ang particulate matter (PM) .

Ayon sa grupo, ang paglunok ng aerosol spray na naglalaman ng pyrethrins ay maaaring magdulot ng hirap sa paghinga, pag-ubo, panginginig, mga seizure, pagsakit ng tiyan, at pagsusuka at iba pa.

Ang Food and Drug Administration (FDA) at ang Department of Health (DOH) ay regular na naglalabas ng mga babala sa kalusugan ng publiko laban sa pagbili at paggamit ng mga hindi rehistradong household/urban pesticides (HUPs), kabilang ang ilang tatak ng mosquito coil gaya ng Wawang High Quality mosquito coil, Jinma Katol Mosquito Coils Lengen Micro-Smoke, at BaoMa Black Mosquito Repellent Incense Anti-Mosquitoes.

“The FDA has warned against unregistered mosquito coils and other household insecticides, which may be toxic when inhaled or ingested by toddler or children. The greater risk lies in manufacturers misdeclaring the actual content of active ingredients on the packaging. There have been documented cases of misdeclarations violating FDA regulations in the past,” ayon pa kay Dizon.

Hinikayat ng BAN Toxics ang publiko na i-verify kung ang isang produktong pestisidyo ay nakarehistro sa FDA.

Hinihimok din ang publiko na magpatupad ng mga hakbang sa pagkontrol ng lamok sa kanilang mga lugar upang maiwasan ang pagdami at pagkalat. Kasama sa mga hakbang na ito ang pag-alis ng tubig mula sa mga kanal at iba pang mga lugar kung saan maaari itong maipon, pagpapanatili ng kalinisan, at pag-aalis ng mga potensyal na lugar ng pag-aanakan ng lamok sa mga tahanan at komunidad.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)