MANILA, Philippines – Kinastigo ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago ang Energy Regulatory (ERC) sa pagpayag o walang aksyon sa tila sistema ng Meralco na ‘refund now, bawi later’.
Binigyang diin ng mambabatas na pinayagan ng ERC ang Manila Electric Company (Meralco) na mabawi ang P8.709 bilyon sa mga hindi pa nasisingil na “generation, transmission, system loss, at iba pang charges mula sa mga consumers sa loob ng tatlong taon.
“Refund now, bawi later. Ano ang saysay ng refund kung babawiin din naman sa mga susunod na buwan at taon?,” giit ni Elago.
Partikular na tinutulan ng mambabatas na maisama ang mga hindi nababawi o nasisingil pang system loss sa inaprubahang koleksyon sa kabila ng naunang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang SONA na hindi na dapat pang singilin ang mga consumers para sa system loss.
“Sa isang banda, sinasabi ng administrasyon na aalisin ang system loss charges sa electric bill. Sa kabilang banda, pinapayagan namang singilin muli ang mga konsyumer para rito,” ayon sa mambabatas.
Binigyang diin pa ni Elago na hindi dapat sinisingil sa mga consumers ng Meralco ang system loss.
“Hindi kasalanan ng mga mamamayan ang pagkawala ng kuryente sa transmission at distribution, maging ito man ay dulot ng technical losses o iba pang operational inefficiencies. Hindi sila dapat ang pinagbabayad sa gastos na bahagi ng operasyon ng mga power utility.”
Ayon kay Elago ang desisyong ito ng ERC ay isang patunay na dapat magpatupad ng reporma sa sektor ng kuryente.
“Ang kailangan ng mamamayan ay pangmatagalang solusyon. Hangga’t nananatili ang EPIRA at ang mga patakarang nagpapahintulot na ipasa sa mga konsyumer ang iba’t ibang gastos ng mga power utilities, mananatiling magulo at hindi makatarungan ang sistema ng paniningil sa kuryente.”
Sa huli ay iminungkahi ng kongresista na “Congress should immediately prioritize the pending amendments removing system loss charges from consumers’ electricity bills. But beyond that, lawmakers must pursue more fundamental reforms to end a power system that allows private utilities to continuously pass operational costs on to consumers while protecting corporate profits.” (Meliza Maluntag)