Home METRO Eroplano nag-emergency landing sa bukid sa Bulacan

Eroplano nag-emergency landing sa bukid sa Bulacan

Bulacan – Isang training aircraft na umanoy nagka-aberya ang makina sa himpapawid ang nag-emergency landing sa malawak na bukirin sa bayan ng Plaridel.

Sa report na nakarating kay Bulacan Police director PCOL Satur Ediong, nag-emergency landing ang PA 38 Tomahawk (2 seater training plane) bandang 9:45 ng umaga nitong February 19 sa bukid sakop ng Brgy. Lalangan.

Kinilala ang mga nakaligtas na lulan ng eroplano na sina Velentine Bartolome, 50, , Pilot Instructor, residente ng Antipolo City at David John Cayaban, 25, Training Pilot, residente ng Las Piñas.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon at base na rin sa piloto, sa kalagitnaan ng kanilang flight training sa himpapawid ay pumalya ang makina kaya napilitan silang nag-emergency landing sa bukid.

Nabatid na ligtas naman ang mga piloto at pawang walang senyales na nasaktan ang mga ito sa naturang insidente.

Sinasabing agad na dumating sa lugar ang CAAP Security Intelligence Service na nagsagawa ng imbestigasyon. (Dick Mirasol III)