Home NATIONWIDE Erwin Tulfo, lumagda na sa partial report sa flood control probe -Lacson

Erwin Tulfo, lumagda na sa partial report sa flood control probe -Lacson

1
0

MANILA, Philippines – Pinuri ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Sabado, Hunyo 13, si Sen. Erwin Tulfo sa pagtaguyod nito sa kanyang tungkulin na tumulong sa paglalantad ng katotohanan sa likod ng mga anomalya sa mga palpak at guniguning flood control projects.

Sa pahayag, sinabi ni Lacson, dating chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na matatag na pinandigan ni Tulfo ang paglagda sa partial committee report sa kabila ng “peer pressure” upang palagpasin ang maling gawain.

Ipinunto ni Lacson ang pahayag ni Tulfo sa isang podcast interview na nilagdaan nito ang partial report ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa iskandalo sa flood control sa kabila ng peer pressure mula sa kapwa senador.

“Thank you Sen Erwin for speaking the truth to confirm what I had thought all along was the real reason – bakit inamag at tuluyan nang napanis ang BRC partial report. Quo vadis, Philippine Senate?” pahayag ni Lacson, na siyang namuno sa panel nang ilabas ang partial report, sa isang post sa X.

Sinabi ni Tulfo, na nahalal bilang chairman ng Blue Ribbon Committee matapos ang pagbabago sa liderato noong Hunyo 3, sa panayam ng broadcast journalist na si Jessica Soho na nagalit ang ilang kasamahan niya sa Senado dahil sa paglagda niya sa report. Nagsilbi siyang vice chairman ng komite noong panahong iyon.

Aniya, sinubukan siyang pigilan ng ilang kapwa senador sa paglagda sa partial report dahil “kasama natin ang mapapahiya.”

Ngunit tugon niya, “Hindi ko naman pwedeng ipikit ang mata ko,” kung kaya’t nilagdaan pa rin niya ang partial report, kahit balak pa niyang kuwestiyunin ang nilalaman nito sa plenaryo.

Nauna nang sinabi ni Lacson na kung nakakuha ng hindi bababa sa siyam na lagda ang report, i-sponsor niya ito sa plenaryo upang mapagdebatehan, mabago, at posibleng maaprubahan.

“Sabi ko, nakakahiya sa tao,” ani Tulfo, na tumutukoy kay Lacson. Dagdag niya, ang kapatid niyang si Sen. Raffy Tulfo, kasama sina Lacson at apat pang senador, ay lumagda rin sa report.

Bagama’t hindi umabot ang pitong lagda sa siyam na kinakailangan upang ma-sponsor ni Lacson ang partial report sa plenaryo, ang nilalaman nito ay naging bahagi ng opisyal na talaan ng Senado matapos ihain ni Lacson ang kanyang Chairman’s Progress Report sa isang privilege speech noong Mayo 5.

Sa naturang talumpati, inilatag ni Lacson ang mahahalagang ebidensya at mga rekomendasyon sa polisiya mula sa mga pagdinig ng komite upang wakasan ang tinawag niyang “sistematikong at parasitikong kasakiman” sa likod ng mga anomalya sa flood control projects.

Gayundin, isinumite ni Lacson sa Office of the Ombudsman ang lahat ng ebidensyang nakalap sa loob ng walong pagdinig upang makatulong sa kanilang isinasagawang preliminary investigation sa ilang personalidad na sangkot sa isyu ng flood control, ngayo’y opisyal nang bahagi ng record ng Senado ang mga ito. Ernie REyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here