MANILA, Phlippines – Tiwala si Senate President Francis Escudero na konstitusyonal ang 2025 national budget at kayang ipagtanggol sa Korte Suprema laban sa mga reklamong may iregularidad ito.
“Ang layunin ng Korte Suprema ay tiyakin na ‘yong proseso ay hindi pinasa sa mga hindi halal ng bayan na clerk lamang o staff lamang sa bicam. ‘Yan ay kayang-kayang patunayan ng Kongreso kapag dumating ‘yong punto ng oral arguments,” ani Escudero.
Iginiit niyang kumilos nang tama ang Bicameral Conference Committee at may awtoridad itong tapusin ang budget.
Kinumpirma niyang SolGen Menardo Guevarra ang hahawak ng kaso para sa Kongreso at hindi maaapektuhan ng dati nilang hindi pagkakasundo.
“Nag-usap na kami ng SolGen tungkol dito. Hahawakan nila ‘yong kaso at kumpiyansa sila na kanilang maipapanalo ‘yong kaso sa pamamagitan ng pagpresenta ng panig ng Kongreso,” dagdag pa ni Escudero.
Dagdag niya, matagal nang ginagawa ang pagbibigay ng kapangyarihan sa finance at appropriations committees upang ayusin ang budget bago ito tuluyang ipasa. RNT