MANILA, Philippines – Lehitimo ang lahat ng 215 pirma ng mga mambabatas sa ikaapat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, sinabi ni Senate President Chiz Escudero.
Sa press conference, sinabi nito na sinuri na nila ang legitimacy ng mga pirma.
“Visually, na-verify na ang lahat ng 215 signatures na wet signature nga. Tiningnan yan ng hindi bababa sa apat na tao na hindi bababa sa dalawang beses kada tao,” ani Escudero.
“Yung initial na repaso nito, using a visual perusal [ay] wet signature lahat noong 215,” dagdag pa niya.
Sa kabila nito, sinabi ni Escudero na balak nilang bumili ng isang application na gumagamit ng artificial intelligence para maberipika kung ang mga pirma ay totoo o hindi.
Sinabi ng Senate President na trabaho ng Senado na beripikahin at siguruhin na tintado ng mga mambabatas ang lahat ng 215 pirma. RNT/JGC