Home NATIONWIDE PISTON humiling sa LTFRB, payagan sa pagpaparehistro ng unconsolidated jeepneys

PISTON humiling sa LTFRB, payagan sa pagpaparehistro ng unconsolidated jeepneys

MANILA, Philippines – Naghain ng petisyon ang transport group na PISTON nitong Lunes, Pebrero 10 sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para payagan ang pagpaparehistro ng unconsolidated jeepneys.

“Ngayong araw, nagsumite tayo ng petisyon sa LTFRB na payagang makapagpa-rehistro ang mga jeep na ginigipit nila dahil sa [Public Utility Vehicle Modernization Program],” saad sa pahayag ng PISTON.

“Sa mga kasama namin sa hanapbuhay at sa mga mahal naming mga pasahero, ito ang klase ng gobyerno natin ngayon—walang konsensya at walang ibang pinagsisilbihan kundi ang malalaking negosyante’t mga dayuhan,” dagdag pa ng grupo.

Ang PUVMP na ngayon ay tinatawag na Public Transport Modernization Program (PTMP) ay nagsimula noong 2017 at naglalayong palitan ang mga jeepney ng sasakyan na may Euro 4-compliant engine para makabawas sa polusyon.

Layon din nitong palitan ang mga unit na hindi na roadworthy.

Sa kabila nito, naging pahirapan sa ibang mga drayber at operator ang halaga ng isang modern jeepney na umaabot ng P2 milyon at kailangan din na pagsama-samahin ang individual PUV franchises at gawing kooperatiba o korporasyon. RNT/JGC