MANILA, Philippines – Inihayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na hindi maapektuhan ng criminal complaint na isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa press conference, ipinaliwanag ni Escudero na maaaring umusad nang sabay ang impeachment trial at pagdinig sa reklamo ng NBI.
“No, walang epekto ‘yun sa napipintong impeachment proceedings. Walang bearing ‘yun at walang kinalaman ‘yun doon. Sa katunayan, pwedeng magpatuloy ‘yan nang sabay, pwedeng mauna, pwedeng sumunod. Wala siyang bearing sa impeachment proceedings na isasagawa ng Senado,” ayon kay Escudero.
Nitong Miyerkoles, inihain ng NBI ang reklamo laban kay Duterte hinggil sa pahayag niton na umupa siya ng isang taong papatay kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, kapag pinatay siya.
Sinabi ng NBI na nasa kamay ng Department of Justice – National Prosecution Service kung paano titimbangin ang ebidensiya at magsagawa ng preliminary investigation sa reklamo.
Ayon kay Escudero, hindi ipatatawag ng impeachment court ang ebidensiya na nakalap ng NBI laban kay Duterte. Ngunit maaaring humingi ng permiso ang prosecution o defense panel sa korte na kung gusto nitong ipresenta ang katulad na ebidensiya sa impeachment trial.
“They can present the same witnesses, they can present the same pieces of object or documentary evidence. That is totally up to them. Karapatan naman ng kabilang panig kung saka-sakali kung may basis sila na tutulan ang presentasyon nito, ani Escudero.
Isa sa pitong Articles of Impeachment laban kay Duterte ang sabwatan sa pagpatay kay Marcos, First Lady, at ang Speaker.
Mahigit 214 kongresista ang lumagda sa ika-apat na impeachment complaint upang iendorso ito at isumite na sa Senado.
Ayon kay Escudero, sisimulan ang impeachment trial pagkatapos ng State of the Nations Address (SONA) sa July 21 sa ilalim ng 20th Congress. Ernie Reyes