MANILA, Philippines – Isiniwalat ng isang Pilipinong inaresto dahil sa umano’y paniniktik para sa China na hiningan siya ng impormasyon tungkol sa misyon ng Philippine Navy at Coast Guard sa West Philippine Sea, pati na sa detalye ng Balikatan exercises kasama ang Estados Unidos.
Sa isang panayam, sinabi ng suspek na si alias “Danny” na inakala niyang isang American journalist ang kausap niya.
“They fronted themselves as media…,” aniya.
Ang kanyang handler na tinawag na “Peter” ay umano’y Korean national na base sa US, ngunit kalaunan ay kinilalang Chinese national ng AFP.
Ayon kay Danny, hinihingi sa kanya ang sensitibong impormasyon tulad ng rotation at resupply missions at coordinates ng deployment, ngunit tumanggi siyang ibigay ang ilan dito.
“He was really interested in the Balikatan… I withheld the information,” aniya.
Naaresto si Danny noong Hunyo 2025 at nananatili sa kustodiya ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon sa AFP, komplikado ang operasyon na nagresulta sa pagkakahuli sa kanila.
Nagbabala rin ang AFP sa publiko na mag-ingat sa mga dayuhang nagpapanggap na mamamahayag o researcher na humihingi ng sensitibong impormasyon kapalit ng bayad. RNT/MND