MANILA, Philippines – Nalambat ng mga operatiba ng pinagsanib na pwersa ng sangay na ahensya ng kapulisan ang isang babaeng estapadora sa Pasay City Biyernes ng hapon, Mayo 8.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) district director P/Brig. Gen. Glenn Oliver Cinco ang nadakip na suspek na si alyas Gerladine, 45.
Base sa report na isinumite ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto, naganap ang pagdakip sa suspek bandang alas 3:10 ng hapon sa kahabaan ng Tramo corner P. Dandan Street, Barangay 54, Pasay City.
Ang naturang operasyon ay matagumpay na isinagawa ng mga tauhan ng Intelligence Section ng DMFB-SPD, District Special Operations Unit (DSOU-SPD), at ng Pasay police Warrant and Subpoena Section (WSS).
Sa bisa ng isinilbing warrant of arrest dahil sa kasong estafa na naaayon sa Article 315, Paragraph 2(a) ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa Section 6 ng Republic Act No. 10175 o ang tinatawag na Cybercrime Prevention Act of 2012 na inisyu ng Mayo 8, 2026 ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Ramon Chito Mendoza ng Branch 116 sa ilalim ng Criminal Case No. R-PSY-26-01186-CR ay naisakatuparan ang pagdakip sa suspek na mayroong kaakibat na rekomendasyon ng piyansa sa halagang P30,000.
Pansamantalang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police ang suspek habang naghihintay ng commitment order na manggagaling sa korte para sa paglilipat ng kanyang pagkukulungan sa Pasay City jail. (James I. Catapusan)