MANILA, Philippines – Sinabi ni Senator Jinggoy Estrada nitong Huwebes na gagawin ng kanyang kampo ang lahat ng legal na remedyo kinahaharap na plunder at graft cases sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control funds.
Sa isang pahayag, sinabi ni Estrada na naghahanda na ang kanyang legal team upang kuwestiyunin ang mga umano’y procedural irregularities at ang hindi pagsasaalang-alang sa mga ebidensiyang pabor sa kanya. “We will exhaust all legal remedies,” ani Estrada.
Binanggit din niya ang liham mula sa Senate Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO) na aniya ay nagpapatunay na wala siyang ginawang budget insertions sa 2025 national budget. “Isa itong mahalagang ebidensya na tahasang pinapabulaanan ang lahat ng alegasyon laban sa akin, subalit sadyang isinantabi,” aniya.
Ipinunto rin ng senador na limitado umano ang naging oras para sa paghahain ng motion for reconsideration, na aniya ay may “serious implications to my right to due process.”
“Kapanasin-pansin din na, mula nang magpalit ng liderato sa Senado, naging mabilis ang pag-usad ng mga kasong kinasasangkutan ng ilang miyembro ng majority bloc,” dagdag niya.
Kinuwestiyon din niya ang naging mabilis na pagsasampa ng kaso, na aniya ay tila hindi tugma sa naunang pahayag ng Ombudsman na magsasagawa ito ng “independent review and resolution on the merits of the case.”
“Batay sa mga pangyayari, malinaw na kailangang suriin kung naisakatuparan nga ang pahayag na ito,” ani Estrada.
“As I have said before, if this is the price that I have to pay for standing by my principles and for what I believe in, then so be it,” aniya pa. RNT