MANILA, Philippines – Kinasuhan ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) si Senator Robin Padilla at iba pa ng obstruction of justice sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng umano’y pagtakas ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon.
Ayon kay Fadullon, naisampa ang reklamo bago mag-alas-5 ng hapon noong Miyerkules, kasunod ng naunang pahayag ng CIDG na magsasampa ito ng kaso laban kay Padilla at iba pang indibidwal na umano’y tumulong kay Dela Rosa matapos itong umalis sa Senado noong Mayo 14, 2026.
Nauna nang sinabi ni CIDG chief Police Major General Robert Morico II na ang insidente sa Senado noong Mayo 14 at ang hiwalay na pamamaril sa loob ng gusali ay “magkaugnay,” at aniya, “So, let me just say na, you know, two incidents po ‘yan. They are related,” sa isang press briefing.
Mariing itinanggi ni Padilla ang anumang pagkakasangkot, at iginiit na hindi niya tinulungan si Dela Rosa na “tumakas,” kundi humingi lamang umano ito ng masasakyan palabas ng gusali ng Senado.
Si Dela Rosa ay may kinakaharap na warrant of arrest para sa “alleged criminal responsibility as an indirect co-perpetrator” sa kasong crimes against humanity of murder mula Hulyo 3, 2016 hanggang Abril 2018, kung saan hindi bababa sa 32 katao ang nasawi.
Tinangkang ipatupad ang warrant noong Mayo 11, 2026, na nagresulta sa habulan sa loob ng Senado. Kalaunan ay isinailalim siya sa protective custody ng Senado bago umalis sa gusali noong Mayo 14.
Idineklara naman ni Justice Secretary Fredderick Vida na si Dela Rosa ay isang “fugitive from justice” at inatasan ang mga law enforcement agency na arestuhin siya, habang nananawagan din na sumuko ito.
Tinitingnan din ng DOJ ang posibleng pananagutan ni Senator Padilla sa kaso. Santi Celario