MANILA, Philippines – Nagbigay ang European Union (EU) ng 300,000 euros o humigit-kumulang P18 milyon na halaga ng humanitarian aid sa mga Pilipinong naapektuhan ng malawakang pagbaha at landslide sa Visayas nitong mga nakaraang linggo.
Sabi ng EU delegation sa Manila na ang nasabing tulong ay tutugon sa mga kagyat na pangangailangan ng mga pinaka-apektadong pamilya sa ilan sa mga distritong pinakamahirap na tinamaan sa silangang rehiyon ng Visayas.
“The floods have caused massive destruction that affects hundreds of thousands of people in the Philippines,” ani Arlynn Aquino, na nangunguna sa EU’s humanitarian programs sa Pinas.
“To help, the EU immediately channels funding to support our partners to scale up their efforts in delivering essential aid to the affected families,” aniya pa.
Mula noong kalagitnaan ng Nobyembre, maraming bahagi ng Visayas ang nakaranas ng pinagsamang epekto ng shear line at low pressure area na nagresulta sa malawakang pagbaha at pagguho ng lupa.
Ang datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay nagpakita na 1.1 milyong tao ang naapektuhan, at kabuuang 76,312 ang lumikas sa hindi bababa sa 167 evacuation centers. RNT