Home HOME BANNER STORY Refund sa mao-offload na airport passengers pinag-aaralan ng DOJ

Refund sa mao-offload na airport passengers pinag-aaralan ng DOJ

MANILA, Philippines – Nababahala ang Department of Justice (DOJ) na maaabuso ang posibleng reimbursement scheme sa mga pasahero ng eroplano na hindi makakasakay sa kanilang flight dahil sa mahigpit na pagbusisi ng mga Immigration officers.

Sinabi ni Justice spokesperson Mico Clavano na maaring maabuso kapag nalaman ng mga tao na maari nilang mabawi ang kanilang ibinayad sa pamasahe.

Ito ang reaksyon ng DOJ sa mungkahi ng ilang senador na bayaran ang mga Pilipinong pasahero na mapipilitan na madoble ang gastos matapos hindi umabot sa kanilang flight.

Magugunita na nais ni Senador Chiz Escudero na maisama sa special provision ng 2024 budget ng Bureau of Immigration (BI) ang reimbursement scheme.

Gayunman, sinabi ni Clavano na kailangan pag-aralan maigi ang naturang mungkahi. Makikipagpulong ang DOJ kay Immigration Commissioner Norman Tansingco at sa Inter-Agency Council Against Trafficking kung ano ang mga posibleng arrangement o ibang paraan maliban sa reimbursement.

Nag-aalala rin ang kagawaran na maaring lumikha ito ng chilling effect.

Maari aniyang hindi na tuluyan magampanan ng Immigration officer ang tungkulin nito at matakot na lamang na mag offload ng pasahero.

Ipinunto ni Clavano na trabaho ng Immigration officers na alamin ang mga red flag sa mga pasahero sa pamamagitan ng pagbusisi kung tunay o pineke ang mga hawak nila na requirements. Teresa Tavares

Previous article36 OFWs mula Israel nakauwi na ng Pinas
Next articleEU nagbigay ng P18M ayuda sa apektado ng malawakang baha sa Visayas