Home TOP STORIES Ex-appro chairs kinuwestyon sa tapyas-pondo sa Marikina river project

Ex-appro chairs kinuwestyon sa tapyas-pondo sa Marikina river project

299
0

MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni Davao City Rep. Isidro Ungab ang dating House Committee on Appropriations chairpersons na sina Zaldy Co at Stella Quimbo kaugnay ng malalaking bawas sa pondo para sa mga flood control project na pinondohan ng foreign loans, kabilang ang Pasig-Marikina Channel Improvement Project.

“As a former Chairman of the Committee on Appropriations, I know the importance of carefully planned and vetted ODA projects,” ani Ungab sa budget hearing ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

“The rationale for deleting or reducing these flagship projects must be explained by both Cong. Zaldy Co and Cong. Stella Quimbo,” dagdag pa niya, sabay diin na kritikal ang Metro Manila Flood Management Project at Pasig-Marikina Channel Improvement Project sa paglutas ng paulit-ulit na pagbaha sa Metro Manila.

Nagsilbi si Quimbo bilang kinatawan ng Marikina City 2nd District mula 2019 hanggang 2025, at naging Vice Chairperson ng Appropriations Committee nang balangkasin ang 2025 budget. Nang magbitiw si Co, siya ang pumalit bilang chairperson ng komite.

Sa pagdinig, ipinakita ni Ungab ang mga dokumento na naglalahad ng malalaking pagbabawas at pagkakabura ng ilang pangunahing proyekto na pinondohan ng Overseas Development Assistance (ODA).

Ayon sa kanya, nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP) ang ₱21.6 bilyon noong 2024 at ₱27.5 bilyon noong 2025 para sa 11 ODA projects na nakatuon sa flood risk management, climate resilience, at proteksiyon sa mga sentrong pang-ekonomiya at bulnerableng komunidad.

Ngunit ang ₱21.6 bilyon para sa 2024 ay binawasan ng ₱5.49 bilyon sa ikatlong pagbasa ng Kamara, at kalaunan ay tuluyang tinanggal sa bicameral conference kung saan kasapi si Quimbo. Para sa 2025, ang ₱27.5 bilyong panukala ay nabawasan ng ₱18.6 bilyon, na nag-iwan ng ₱8.9 bilyon. Sa General Appropriations Act, bahagyang tumaas ito sa ₱9.2 bilyon, ngunit nanatiling 67 porsyentong mas mababa kumpara sa orihinal na plano.

Nilinaw ni Ungab na ang unang pagbabawas ay ginawa ng House Small Committee, habang ang huling adjustments ay ipinatupad sa Bicameral Conference Committee.

“Such diversions have far-reaching consequences on disaster preparedness and could weaken trust in foreign-assisted programs that have undergone rigorous planning and international scrutiny,” babala pa ng kongresista. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here