MANILA, Philippines – Arestado ng mga miyembro ng pinagsanib na pwersa ng Station Intelligence Section (SIS) at Warrant and Subpoena Unit (WSU) ng Makati City police ang isang dating pulis na nagtago ng halos dalawampung taon dahil sa kasong murder sa San Fernando, Pampanga Miyerkules ng umaga, Marso 5.
Sa report ni Makati City police chief P/Col. Jean Dela Torre na isinumite kay Southern Police District (SPD) director PBGEN Manuel Abrugena ay kinilala ang nadakip na suspect na si alyas Nico Cruz Garcia, 49.
Ayon kay Dela Torre, nangyari ang pag-aresto kay alyas Nico bandang alas 10:15 ng umaga sa Block 7 Lot 1 Phase 1, Montana View, Brgy. Panipuan, San Fernando, Pampanga.
Sinabi ni Dela Torre na hindi na muli nasilayan si alyas Nico sa Makati matapos itong makapatay ng isang tao noong taong 2006 at nagtago ng mahabang panahon sa Pampanga para hindi mahuli ng kanyang mga dating kabarong pulis.
Matagumpay na naisakatuparan ang pagdakip sa suspect sa bisa ng isinilbing warrant of arrest sa kasong murder na inisyu noong Nobyembre 15, 2006 ni Makati City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Dina Pestaño Teves ng Branch 142 na walang kaukulang rekomendasyon ng piyansa dahil sa bigat ng isinampang kaso laban sa kanya.
Bukod sa mga operatiba ng SIS at WSU ng Makati City police ay naging bahagi din ng operasyon ang Pampanga PPO, San Fernando CPS, Mexico MPS, Macabebe MPS, 1st at 2nd Provincial Mobile Force Companies pati na rin ang SDIT RIU-NCR-IG.
Agad na sumailalim sa pagproseso ng legal na dokumentasyon ang suspect sa Pampanga at dinala ito sa Makati City police station kung saan pansamantala itong ipiniit sa kanilang custodial facility habnag naghihintay ng commitment order na manggagaling sa korte para sa kanyang pagliapt ng piitan sa Makati City jail.
Pinuri naman ni Abrugena ang dedikasyon ng mga operatiba na naging bahagi sa pag-aresto ng suspect.
“This arrest reflects the strong dedication of law enforcement in ensuring that fugitives, no matter how long they have evaded justice, will be held accountable. We will continue to strengthen our intelligence operations and coordination with different police units to bring criminals to justice. The public’s cooperation is vital in this endeavor, and we urge everyone to remain watchful and report any information that could aid in the capture of wanted individuals,” ani Abrugena. (James I. Catapusan)