CAUAYAN CITY, Isabela – Hanggang sa ngyon ay nakikipaglaban kay kamatayan habang ginagamot sa isang hospital ang isang 31-anyos na lalaki matapos saksakin ng live-in partner ng dati niyang kinakasama sa Brgy. Nagrumbuan, Cauayan City, Isabela.
Kinilala ang biktima na si alyas “Jojo” isang vendor at residente ng Purok 4 Brgy. Nagrumbuan, Cauayan City habang ang suspek naman ay kinilalang si alyas “Boni”, 32-anyos isang magsasaka at residente ng Purok 6 Brgy. Nagrumbuan sa nasabing lungsod.
Batay sa imbestigasyon, nagtungo umano ang biktima sa bahay ng suspek upang maningil sa dati niyang live-in partner na si alyas “Jane,” 25-anyos, na kasalukuyang kinakasama ng suspek.
At nang wala umanong maibayad ang dating kinakasama nito, ay sumigaw umano ang biktima na nauwi sa komprontasyon nila ng suspek.
Sa gitna ng pagtatalo, bigla umanong sinaksak ng suspek ang biktima sa likurang bahagi ng katawan gamit ang isang improvised knife.
Agad namang namagitan ang ilang residente upang awatin ang dalawa at mabilis na ipinagbigay-alam sa mga awtoridad ang insidente, dahilan upang maaresto ang suspek.
Sa direktiba ni PLtCol. Avelino Canceran Jr., hepe ng Cauayan City Police Station sa kanyang nga tauhan ay agad na naaresto suspek ay ipinaalam ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine bago siya dinala sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Rey Velasco