MANILA, Philippines – Kinasuhan ng reklamong attempted murder ang isang dating city councilor at anak ng Barangay Chairman sa Laguna na bumaril sa isang local journalist, sinabi ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) nitong Miyerkoles.
Ayon sa PTFoMS, inihain ang kaso noong Lunes makaraan lamang ng isang linggo matapos barilin ng hindi nakilalang gunmen sakay ng motorsiklo si Marc Angelo Barrios ng Laguna Patrol.
Pinuri naman ni Undersecretary Paul Gutierrez, PTFoMS executive director, ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para sa agarang pagresponde sa hiling ng task force para sa mas malalim na imbestigasyon sa insidente.
Sinabi sa inisyal na ulat ng pulisya na dalawang suspek na sakay ng motorsiklo ang bumaril ng pitong beses kay Barrios habang pauwi sa kanilang bahay sa Brgy. San Gregorio sa San Pablo City noong Hulyo 15 ng gabi.
Maswerte namang hindi siya nasaktan bagamat ang kanyang motorsiklo ay nasira ng pag-atake habang tumakas ang mga suspek patungo sa ‘di malamang destinasyon.
Sinamahan ng CIDG si Barrios na magsampa ng kaso sa Prosecutor’s Office ng frustrated murder laban sa pangunahing suspek.
Tumanggi namang banggitin ng task force ang pangalan ng suspek habang hinihintay pa ang resulta ng evaluation sa reklamo ng attending prosecutor.
Pinasalamatan din ni Gutierrez ang local police para sa agarang tulong Kay Barrios matapos ang insidente. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)