Home METRO Retiradong sundalo patay sa kasagsagan ng hagupit ni Carina

Retiradong sundalo patay sa kasagsagan ng hagupit ni Carina

MANILA, Philippines – Isang retiradong sundalo ang natagpuang walang malay sa basement ng kanilang binahang bahay sa kasagsagan ng patuloy na pag-ulan dulot ng Super Typhoon Carina sa Pasay City nitong Miyerkoles, Hulyo 24.

Hindi na umabot pa ng buhay sa opsital ang biktima na kinilalang si retired Airman Reynaldo Silapan, residente ng Barangay 183, Maricaban, Pasay City.

Base sa nakalap na report, nadiskubre ng anak ng biktima na si Airman First Class Jayron Silapan ang kanyang wala nang malay na ama sa basement ng kanilang inabot ng baha na bahay habang nag-aangat sila ng kanilang mga kagamitan na inabot ng tubig baha bandang alas 6:00 ng umaga.

Mabilis namang nakatawag ng responde sa barangay ang pamilya kung saan naisakay pa sa lifeboat ang biktima ngunit naideklara itong dead on arrival sa ospital.

Sa salaysay ni Jayron, maluha-luha niyang ikinuwento ang palaging paaala-ala sa kanya ng kanyang ama na galingang palagi ang kanyang nararapat na gawin sa pagseserbisyo.

Sa panayam kay Barangay 183 Chairman Alvin Zuniga, ang nasasakop ng kanilang barangay ay malapit sa estero ng Tripa de Gallina kung kaya’t agad na naaapektuhan ng baha ang mga naninirahan dito.

Di lamang sa nabanggit na barangay ang agarang binabaha kundi pati na rin ang mga kalapit na barangay ng 182 at 184 na nasasakupan ng Maricaban ang mg amabilis na naapektuhan ng baha dahil noon pa an ay ito ang lugar na mababa sa Pasay.

Nito lamang Hulyo 24 ay idineklarang nasa state of calamity ang National Capital Region (NCR) dahil sa patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan na dala ni Super Typhoon Carina at ng Habagat na nagdulot ng malawakang pagbaha sa buong rehiyon. (James I. Catapusan)