MANILA, Philippines – Idinaan na sa shredder ang mga orihinal na kopya ng mga tseke na ginamit ng Office of the Vice President (OVP) para i-withdraw ang P500 milyon ng confidential funds, ayon sa dating branch manager ng Land Bank of the Philippines (LandBank) na tumestigo sa impeachment trial nitong Miyerkules, Hulyo 29.
Ito ang ibinahagi ni prosecution witness Violeta Constantino, dating manager ng LandBank Shaw Boulevard branch.
“Ang original copy ng mga cheques ay na-shred na,” ani Constantino.
“As per bank policy, lahat ng negotiated cheques ay may retention period na one year kaya ito ay shine-shred na,” dagdag pa niya.
Si Constantino ay kabilang sa mga opisyal at empleyado ng LandBank na ipipresenta ng House prosecution panel as witnesses para sa Article I ng Articles of Impeachment laban kay Duterte.
Inakusahan sa Article I si Duterte ng culpable violation ng 1987 Constitution, graft and corruption, at betrayal of public trust kaugnay sa umano’y maling paggamit at iregular na disbursement ng P612.5 milyon confidential funds ng OVP at Department of Education.
Sa paglilitis, tumestigo si Constantino na nagpa-encash si OVP special disbursing officer Gina Acosta ng apat na tseke na nagkakahalaga ng tig-P125 milyon, o kabuuang P500 milyon.
Para sa bawat encashment, ang cash na may tig-P1 milyon ay inilagay sa tatlo hanggang apat na malalaking gym bags.
Ani Constantino, na nagtrabaho sa LandBank ng 32 taon, ang naturang withdrawal ay itinuturing na “unusual.”
Sa kabila nito, nang tanungin kung iniulat niya ang “unusual” transactions sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), tumangging magkomento si Constantino at tinukoy ang confidentiality rules.
“I’m sorry, Your Honor, may we invoke po ‘yung AMLC rule na hindi po kami pwedeng mag-disclose any information po regarding sa reporting,” aniya.
Samantala, kinumpirma naman ni Constantino na ang mga transaksyon na lampas P500,000, pribadong indibidwal man o empleyado ng pamahalaan ay iniuulat sa AMLC. RNT/JGC