MANILA, Philippines – Nagbabala si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. nitong Miyerkules, Hulyo 29 ng lumalagong banta ng “foreign malign influence” sa Pilipinas.
Aniya, nagpapalabo ito ng linya sa pagitan ng internal security at external defense, at nagsisilbing banta sa soberanya ng bansa.
Sa forum Kapihan sa Manila Bay forum, sinabi ni Teodoro na nagbago na ang security environment ng bansa at ang foreign threats ay hindi na lamang nakabatay sa external concerns katulad ng West Philippine Sea ngunit lumalawak na rin sa domestic affairs.
“If you don’t have internal peace and stability—that is a precondition,” ani Teodoro.
Sinabi pa niya na ang internal security ay hindi na lamang maaaring tingnan na hiwalay sa external defense dahil sa lumalagong pagsasama ng traditional at non-traditional threats.
“Ngayon may fusion o paghahalo ng dalawa. ’Yan ang tinatawag na foreign malign influence,” aniya.
Tinutukoy ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ang FMI bilang “covert, coercive, subversive or illegal efforts” ng foreign government o mga proxy nito para maimpluwensyahan ang mga polisiya, institusyon, public opinion at galaw ng bansa para isulong ang interes ng iba.
Kabilang dito ang pagpapakalat ng disinformation, pagpopondo o pag-iimpluwensya sa political groups o public figure, pagmamanipula ng public opinion sa pamamagitan ng social media, pang-eespiya, at pakikialam sa eleksyon o paggawa ng batas, at paggamit ng negosyo at iba pang organisasyon bilang fronts.
Para solusyunan ang mga bantang ito, sinabi ni Teodoro na pinapalawak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang presensya nito sa pamamagitan ng strategic basing at pinabuting logistics.
“Kailangan natin tayo ay magkaroon ng presence sa 7,600-plus isla,” sinabi ni Teodoro.
Layon ng strategic basing program ng bansa na mapabuti ang military mobility at logistics, at abilidad ng AFP na tumugon nang mas mabilis sa mga banta partikular na sa maritime areas.
Makatutulong din umano ang patuloy na military presence na mapigilan ang mga grupo sa paghahasik ng lagim at pagkakahati-hati. RNT/JGC