Home HOME BANNER STORY Ex-POGO Operators sangkot sa pagdukot ng estudyante sa Taguig – Remulla

Ex-POGO Operators sangkot sa pagdukot ng estudyante sa Taguig – Remulla

MANILA, Philippines – Inihayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na isang sindikatong dating kasangkot sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) ang nasa likod ng pagdukot sa isang international student sa Taguig City.

Sa isang press briefing sa Malacañang noong Pebrero 26, 2025, kinumpirma ni Remulla na ang mga suspek ay dating POGO operators at kanilang mga bodyguard na AWOL mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Ang 14-anyos na Chinese national, na estudyante ng isang international school sa Taguig, ay nailigtas ng mga awtoridad noong Pebrero 20, ayon sa Movement for Restoration of Peace and Order (MRPO).

Natagpuan ang biktima na inabandona sa Macapagal Avenue sa Parañaque City, at walang ransom na binayaran sa kabila ng naunang demand na mula $20 milyon hanggang $1 milyon.

Pinuri ni Remulla ang mabilis at epektibong aksyon ng Anti-Kidnapping Group (AKG) at National Capital Region Police Office (NCRPO).

Pinaghihinalaan ng mga awtoridad na may koneksyon ang pamilya ng biktima sa negosyong POGO, na posibleng dahilan ng krimen.

Ayon kay Police Colonel Randulf Tuaño, acting chief ng PNP public information, ang ama ng biktima ay isang kilalang online seller at may kaugnayan sa POGO business, kabilang ang usapan tungkol sa pagbabayad ng utang.

Sa isang mas nakakalungkot na bahagi ng kaso, natagpuang patay ang driver ng biktima sa loob ng ibang sasakyan.

Nakuhang ebidensya sa naturang sasakyan ang naglalaman ng mga larawan, pag-uusap, numero ng cellphone, at mga plano ng sindikato.

Bagamat hindi na itinuturing na person of interest ang driver, ang narekober na ebidensya ay malaking tulong sa imbestigasyon.

Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang mga suspek, at kumpiyansa ang AKG na malapit na nilang mahuli ang mga nasa likod ng krimen.

Tiniyak ni Remulla na gagawin ng law enforcement ang lahat para mapanagot ang sindikato at makamit ang hustisya para sa biktima at kanilang pamilya. RNT