BACOLOD CITY- Arestado ang dating presidente ng Zamboanga State College of Marine Sciences and Technology na itinuturong utak sa pagpaslang sa babaeng Commission on Audit auditor sa Zamboanga City makalipas ang 18 taon sa lungsod na ito.
Sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng Zamboanga City court noong March 2008 na bitbit ng grupo ng Regional Intelligence Unit-6, nagresulta ito sa pagkakadakip kay Ernie Aracena Caraecle, para sa kasong pagpatay kay Vilma Aguas, department head ng COA.
Matatandaang pinatay si Aguas noong Agosto 2007, matapos tambangan at pagbabarilin ng mga suspek galing sa kanyang trabaho at pauwi na sana ito sa kanilang bahay.
Unang nadakip ng mga pulis noong September 2008 si Police Officer 1 Arthur Gomez, sa Makati City na siya umanong nagplano sa pagpatay kay Aguas.
Sunod namang nahuli ang gunman na si Eduardo Tan, alyas Kabayo, at itinuro si Caraecle na siyang utak sa pagpaslang kay Aguas matapos madiskubre ng huli ang mga anomalya ni Caraecle sa panahon ng panunungkulan nito bilang presidente ng ZSCMST.
Si Caraecle ay nahatulan ding guilty noong June 2014 ng Sandiganbayan sa kasong malversation of public funds para sa pagdeposito ng P30,000 bilang kabayaran para sa mga pasilidad na inupahan ng Western Mindanao Community Initiative Projects noong 2003 at nasentensyahan ng 12 taong pagkakakulong. Mary Anne Sapico