Home NATIONWIDE Ex-PTFoMS head itinangging kinausap si Guban sa drug shipment allegations

Ex-PTFoMS head itinangging kinausap si Guban sa drug shipment allegations

MANILA, Philippines – Mariin itinanggi ni dating Presidential Task Force on Media Security chief Paul Gutierrez ang alegasyon na kinausap niya ang dating opisyal Bureau of Customs na si Jimmy Guban sa pagdinig sa House QuadComm noong Huwebes.

Sa pahayag ni Guban, sinabi niya kinausap Siya ni Gutierrez na huwag iugnay sina Michael Yang, Paolo Duterte, o Mans Carpio sa illegal drug trade o kung hindi ay mapatay siya.

Sinabi ni Gutierrez na nilapitan lamang niya si Guban bilang isang mamahayag para sa isang balita at nais lamang tanungin si Guban kung ano ang gagawin niya kapag idiniin Siya ni dating Police Colonel Eduardo Acierto sa illegal drug trade.

“Tinanong ko po lang siya kung anong gagawin niya sakali pong ilaglag nga po siya ni Colonel Acierto. Sabi po niya, ay hindi po pwede yan kasi mas marami po akong, mas marami akong alam sa kanila. Tinanong ko rin po siya kung ‘yung pong isang dating opisyal ng National Press Club na palagi po namin nakikita sa hearing, kung ‘yun ba ang kanyang kaibigan na nagpi-PR [public relations] sa kanya, hindi po siya umimik doon sa tanong na ‘yun,” sabi ni Gutierrez.

“I was just being curious as a reporter, kung ano ba talaga ang katotohanan sa sinasabi ng witness na ito [to find out the truth to what this witness was saying],” dagdag pa ni Gutierrez.

Sa pahayag ni Guban, siya ay nakulong sa Senado sa panahon ng Blue Ribbon Committee inquiry sa illegal drug shipment na ipinuslit sa pamamagitan ng magnetic lifters nang mangyari umano ang pagbabanta.

Si Michael Yang ay dating economic adviser kay Rodrigo Duterte nang siya ay Pangulo ng bansa.

Ang anak ni Duterte na si Paolo ay kasalukuyang congressman para sa 1st District ng Davao City, habang ang abogadong si Mans Carpio ay asawa ng anak ni Duterte na si Vice President Sara Duterte.

Iniugnay ni Guban sina Paolo Duterte, Carpio at Yang sa kargamento.

Sa nasabing pagdinig, itinanggi rin ni dating National Irrigation Administration chief Benny Antiporda ang pagkakasangkot sa banta kay Guban upang protektahan ang ilang indibidwal mula sa pagkakasangkot sa drug trade.

“Wala pong katotohanan ‘yan. In the first place, hindi ko po siya kilala. Hindi ko alam ang number niya. At lalong hindi ko rin po kilala ‘yung mga sinasabi niyang taong connected po sa akin, especially si Mans Carpio, Michael Yang at Congressman Pulong,” sabi ni Antiporda.

“Hindi po, in any way, hindi ko po pa sila nakausap personally or electronically. Hindi ko po sila kilala. Kilala ko lang po sila dahil personalidad po sila na nakikita sa TV,” dagdag pa ni Antiporda.

Maaalala na sinabi ni Guban sa House QuadComm na sinabihan siya na ang multi-billion-peso shabu shipment na nasabat noong 2018 ay kay Paolo Duterte, Carpio, at Yang.

“Nais ko pong ipaalala sa taumbayan na ang salitang ‘star witness’ ay humahalimbawa lamang sa mga taong nagsasalita ng katotohanan lamang at may kredibilidad. Hindi po si Jimmy Guban ang taong yan sapagkat siya po ay na i-contempt na ng Senate Blue Ribbon Committee dahil sa kanyang pagsisinungaling,” ayon naman sa naunang naging pahayag ni Davao City congressman Duterte na tinutukoy ang panahon kung saan gumawa si Guban ng magkasalungat na pahayag sa harap ng Senate inquiry sa 2018 shabu shipment. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)