MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng Sandiganbayan ang pagkakakulong ng dating Muntinlupa mayor at dating kongresista na si Ruffy Biazon ng anim (6) hanggang sampung (10) taon matapos mapatunayang guilty sa kasong graft kaugnay ng kontrobersyal na P10 bilyong pork barrel scam.
Sa desisyong inilabas ng anti-graft court, napatunayan ng hukuman ang pagkakasangkot ni Biazon sa maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong siya ay nagsisilbing kinatawan ng Lone District ng Muntinlupa.
Samantala, napawalang-sala naman si Biazon sa kasong malversation na may kaugnayan rin sa parehong isyu.
Sa isang pahayag, sinabi ni Biazon na iaapela niya ang desisyon ng Sandiganbayan, at naninindigang may karapatan siyang muling igiit ang kanyang panig sa mas mataas na hukuman.
“We respect the decision, but we believe there are legal grounds to challenge it. We will file an appeal,” ani ng kampo ni Biazon.
Dagdag pa ng kanyang legal team, wala umanong direktang epekto sa kanyang kasalukuyang posisyon bilang alkalde ng Muntinlupa ang nasabing hatol, at magpapatuloy umano siya sa paninilbihan habang umuusad ang proseso ng apela.
Ang kaso ni Biazon ay bahagi ng malawakang imbestigasyon sa pork barrel scam na isinangkot sa ilang mambabatas at NGO, kabilang ang mga alyado ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles. Teresa Tavares