MANILA, Philippines – Pinayagan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) noong Miyerkules ang executive session para kay Pasig City Representative Roman Romulo kaugnay ng kanyang testimonya sa anomalous na flood control projects.
Ayon sa abogado ni Romulo, maaaring malagay sa panganib ang buhay at reputasyon ng kongresista kung ilalagay sa livestream ang sesyon.
“Considering the nature of today’s session and inquiry… the livestream of these proceedings… could be misused by members of the public to malign the reputation of the good congressman,” sabi niya. Dagdag pa niya, kapag na-live stream na, wala nang kontrol si Romulo sa kung paano gagamitin ng publiko ang impormasyon.
Pumayag si Romulo na ipamahagi ang kanyang sworn statements sa publiko at media. Boluntaryo siyang dumalo upang linisin ang kanyang pangalan, at sinabi na ang request para sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa kanya ay maling ginagamit sa social media.
Paliwanag ng DOJ, ang ILBO ay nag-uulat sa law enforcement tungkol sa kinaroroonan ng isang tao ngunit hindi pumipigil sa pag-alis nila sa bansa. Inaprubahan ni ICI chair Justice Andres Reyes Jr. ang request ni Romulo.
Plano rin niyang kasuhan ang mga kontraktor na sina Curlee at Sara Discaya na iniuugnay siya sa korapsyon.
Pinayagan din ng ICI ang executive sessions para sa iba pang mambabatas kabilang sina Arjo Atayde, Dean Asistio, Reynante Arrogancia, at Leody “Ode” Tarriela.
Noong Martes, isinagawa ang unang live-streamed hearings ng ICI para kay Fourth District Representative Benjamin “Benjie” Agarao Jr. at mga opisyal ng Land Bank. RNT