Home NATIONWIDE Exemption ng OFWs sa sapilitang PhilHealth contributions, inihain sa Kamara

Exemption ng OFWs sa sapilitang PhilHealth contributions, inihain sa Kamara

262
0

MANILA, Philippines – Nilalayon ng ilang kongresista mula sa Liberal Party (LP) na palayain ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa mandatoryong kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ang “LP Tres Marias”—Reps. Leila de Lima, Arlene “Kaka” Bag-ao, at Cielo Krisel Lagman—ay naghain ng House Bill No. 6355 upang amyendahan ang Universal Healthcare (UHC) Act, alisin ang “migrant workers” sa listahan ng direct contributors at gawing boluntaryo ang kanilang PhilHealth contributions.

“Given their indispensable role in national development, OFWs deserve relief from redundant and excessive statutory burdens. Making PhilHealth contributions voluntary is therefore not only a matter of fairness but also of sound public policy and social justice,” ayon sa mga kongresista.

“Karamihan po sa ating mga OFWs, land-based. Kung magkakasakit man sila ay wala sila sa ating bansa. Wala naman po na mga accredited na ospital [doon] na tatanggap ng PhilHealth… Ibig sabihin, nagko-contribute sila nang hindi naman nila pinakikinabangan yung benefits ng kanilang contribution,” ani Lagman.

“Kung tunay nating kinikilala ang napakalaking ambag ng ating mga OFWs sa ating lipunan at ekonomiya, makatarungan lang na mabigyan sila ng ganitong mga insentibo, habang sinisiguro rin ng Estado ang magagandang serbisyo para sa kanilang mga pamilyang nasa ating bansa,” ani De Lima.

Mula nang ipatupad ang UHC Act noong 2019, tumaas ang PhilHealth premium para sa direct contributors mula 2.75% ng buwanang basic salary hanggang 5% ngayong 2025, na nagdudulot ng dagdag na pasanin para sa mga OFWs na may sariling health insurance sa mga bansang kanilang pinagtatrabahuhan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here