Home NATIONWIDE Expansion sa bed capacity ng PGH, ikinagalak ni Bong Go

Expansion sa bed capacity ng PGH, ikinagalak ni Bong Go

218
0

MANILA, Philippines- Pinasalamatan ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health, ang mga kapwa mambabatas na sumuporta sa pagpasa ng Republic Act No. 12210, na nagpapalawak sa bed capacity ng Philippine General Hospital (PGH) mula 1,334 hanggang 2,200.

Principal sponsor at isa sa may-akda ng batas, inilarawan ni Go ang hakbang na magpapagaan sa pasanin ng pinakamalaking pampublikong ospital sa bansa at magpapatibay sa pangako ng gobyerno na accessible healthcare para sa lahat.

“Ang PGH ay simbolo ng pag-asa para sa mga kababayan nating walang kakayahang magpagamot sa mga pribadong ospital,” sabi ni Go.

“Kaya obligasyon nating siguruhing kaya nitong tugunan ang lumalaking pangangailangan ng publiko.”

Binigyang-diin niya na ang PGH expansion ay hindi lamang tungkol sa pagpapalakas ng kakayahan nito, bagkus ay tungkol din sa pagtataguyod ng hustisya para sa mahihirap at mahihina na umaasa sa ospital para sa pagliligtas ng buhay.

Ang suporta ni Go sa PGH ay sinimulan niya noon pang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Iniutos ni Duterte ang paglalaan ng P100 milyon kada buwan sa PGH mula sa Social Fund ng nakaraang administrasyon para matulungan ang mahihirap na pasyente.

Ang iba pang programang tulong medikal ay ginawa ring accessible sa PGH sa pamamagitan ng Malasakit Center na itinatag sa ospital, alinsunod sa Malasakit Centers Act na pangunahing iniakda ni Go noong 2019.

Kinikilala ang national significance at strong base of volunteer specialist n g PGH, binigyang-prayoridad ni Duterte ang institusyon upang matiyak na ang mga Pilipino—lalo na ang mahihirap—ay makatatanggap ng pangangalagang medikal nang walang labis na pinansiyal na pasanin.

Binigyang-diin ni Go na ang modelong ito ng direktang pagsuporta ng gobyerno ay nag-ugat sa paniniwala ng nakaraang administrasyon na ang healthcare ay dapat ibigay sa lahat, anuman ang kanyang kinikita.

Noong 2021, nang masunog ang PGH, agad nag-facilitate si Go ng tulong sa ospital para makabangon at maipagpatuloy ang operasyon nito. Mula noon ay nanawagan siya para sa pangmatagalang solusyon sa pagpapalakasa ng paghahanda sa emergency at katatagan ng institusyon.

Bilang vice chair ng Senate committee on finance, itinaguyod din ni Go ang pagtatayo ng halfway house o watchers’ hall malapit sa PGH.

Ito’y matapos niyang masaksihan na ang mga bantay sa mga pasyente ay natutulog sa mga bangketa.

“Karamihan sa mga nagbabantay sa PGH ay galing sa malalayong probinsya. Wala silang matuluyan kaya sa gilid ng kalsada na natutulog lang. Hindi ito makatao,” ani Go.

“Dapat may maayos silang pahingahan habang nag-aalaga sa mga pasyente.”

Para kay Go, ang expansion ng ospital sa ilalim ng bagong batas ay dapat na kaakibat ng patuloy na pamumuhunan sa human resources, kagamitan, at mga pasilidad upang tunay na mapagsilbihan ang misyon nito. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here