ANO kaya ang masasabi ngayon mismo nina Pangulong Bongbong Marcos at Palace Press Officer Clair Castro ukol sa inilabas nilang “fake news” na naaresto ng Czech Authorities si dating Ako Bikol Partylist Representative Zaldy Co?
Noong Abril 16, 2026 inianunsyo ni Pang. Marcos ang pag-aresto at sinundan ito ng pahayag ni Castro na nangyari iyon dahil kanselado na ang pasaporte si Co.
‘Yun pala, hindi naaresto si Co at tama si Atty. Harry Roque na nagsabing fake news ang pahayag nina PBBM at Castro.
Ayon mismo sa Department of Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, hindi arestado si Co.
Paliwanag nito, walang warrant of arrest ang Czech Republic para arestuhin siya.
Bagaman may warrant of arrest na inisyu sa Pilipinas, hindi pupwedeng gamitin ito sa Czech Republic.
Gayunman, walang malinaw na kalagayan si Zaldy Co sa kalayaan nito sa nasabing bansa ngayon.
Maaaring tinatrabaho na siya ng pamahalaan upang ilagay siya sa sitwasyong maaaring sa huli ay masasabing arestado na siya.
‘Yan ay kung makukumbinse ng pamahalaang Pilipinas ang pamahalaang Czech Republic na may krimeng nagawa si Co na dapat niyang panagutan sa bansa.
Paano naman kung mag-aplay si Co ng asylum sa nasabing bansa sa dahilang may banta sa kanyang buhay gaya ng sinasabi nito sa kanyang video message na kung babalik siya Pilipinas ay papatayin siya?
At ang nagbanta umano sa kanya ay si dating Speaker Martin Romualdez.
Maaari ring inimbento lang din ni Co ang banta para manatili siya sa labas ng bansa at para iwasan ang pananagutan nito sa mga akusasyong sangkot siya sa bilyon-bilyong pisong anomalya sa flood control projects.
Magandang mag-abang na lang tayo ng mga totoong balita ukol kay Zaldy Co at hindi fake news.
Ito’y sa gitna ng totoong balita na ang ilang pinakamataas na pinuno ng Pinas ay sangkot sa korapsyon o kikbakan.






