MANILA, Philippines – Nagbabala ang House prosecution team sa mga Pilipino laban sa fake news na kumakalat kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay prosecution team adviser at spokesperson Robert Ace Barbers, dapat suriin ng publiko ang mga impormasyong nakikita online at, kung maaari, direktang pakinggan ang mga ebidensyang inilalahad sa Senate impeachment court.
“Every day may fake news,” saad ni Barbers.
Sinabi niya na patuloy ang pagkalat ng mga online narrative laban sa mga kongresistang sumuporta sa impeachment. Aniya, kapag hindi kayang sagutin ng mga kritiko ang mga isyu batay sa nilalaman, nauuwi ito sa personal na pag-atake sa mga nagtatanong.
Nagbabala rin si retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, AFP spokesperson sa West Philippine Sea, na lumalawak ang mga foreign malign influence operations at ginagamit na rin ang mga lokal na kontrobersiya gaya ng impeachment at flood-control issues.
“Ngayon, mas mahirap ma-detect sapagkat impeachment sumasabay d’yan, Sanjia sumasabay d’yan, and other local issues; flood control sumasabay d’yan,” ani Trinidad.
Ayon kay Trinidad, ginagamit ng mga naturang operasyon ang mga lokal na isyu at binabaluktot ang mga naratibo upang paboran ang China at atakehin ang mga opisyal na naninindigan sa mga isyung ito.
Sinabi naman ni AFP spokesperson Col. Francel Padilla na mino-monitor ng militar ang mga impormasyon online at nakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya upang matukoy ang katotohanan.
“Our greatest weapon is the truth,” saad ni Padilla.
Binigyang-diin niya na nagtutulungan ang AFP intelligence at cyber units upang makumpirma ang mga impormasyon at maibigay sa publiko ang datos na nakabatay sa ebidensya.
Hinimok ni Barbers ang publiko na personal na subaybayan ang impeachment proceedings upang makilala ang tunay na ebidensya mula sa mga kumakalat na online narrative.
“Ang panawagan namin palagi sa ating mga kababayan, Kung maaari, subaybayan ninyo. Pakinggan ninyo at dinggin ninyo ’yung ebidensyang inilalatag. Nang sa ganu’n, ay maiwasan natin ’yung maniwala tayo sa fake news,” aniya.
“Ebidensya ang dapat maging pakinggan,” dagdag pa niya.
Ayon kay Barbers, hindi layunin ng prosecution team na isantabi ang mga kritisismo o magkakaibang pananaw, kundi tiyaking may access ang publiko sa mga katotohanan at ebidensyang kailangan upang makapagpasya nang sarili.
“At the end of the day, ang mahalaga ho dito ay ang ating konstitusyon, ang ating saligang batas. Meron pong tinatawag na accountability mekanismo,” aniya. RNT/MDS