MANILA, Philippines – Pinabulaanan ni Deputy Speaker Paolo Ortega nitong Sabado, Agosto 8, ang pagkalat ng inilarawan niya bilang “fake,” “exaggerated” at “spliced videos” at mga larawan na nagpapakita ng epekto ng Bagyong Luis, Maymay at Habagat sa La Union.
Ani Ortega, tinaya ng kanyang team na nasa P5 milyong halaga ang ginastso para sa online advertisements para ipakalat ang misleading content kaugnay sa sitwasyon sa probinsya.
“Biktima po tayo ng fake news, at biktima po tayo ng sunod-sunod na spliced videos, fake photos, exaggerated photos,” ani Ortega.
“‘Yung iba pong videos na pinapalabas tsaka spliced videos ilog po ‘yon, ‘yung malalaking ilog namin dito sa probinsya ng La Union. Hindi po ‘yon mga communities o mga part ng mga malalaking komunidad,” dagdag pa niya.
Aniya, ang central business district ng San Fernando ay nananatiling walang baha sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 60 taon, kasabay ng pagkalat ng mga video na nagpapakita ng baha sa harap ng Robinsons Place San Fernando.
“Kailangan nating i-fact-check. Hindi po flood control [project] ‘yung area na ‘yon kasi parang second central business district po ‘yon ng aming city,” paliwanag pa ni Ortega at sinabing nasa P70 milyon ang kinakailangan para sa drainage improvements sa lugar.
Ayon kay Ortega, nanatiling passable ang lahat ng kalsada at mga distrito sa probinsya bagamat ang ilang bahagi ay nakararanas ng gutter hanggang ankle-deep na tubig.
Hinimok din niya ang mga residente na iberipika ang impormasyon.
Samantala, nanindigan din si Ortega sa kinikwestyong P773.8 milyong halaga ng flood control projects sa kanyang distrito na wala sa mga proyektong ito ang napinsala o itinuturing na ghost projects.
“Wala pong nasirang flood control. Wala rin pong ghost project. Wala rin pong project na hindi gumana,” ayon kay Ortega.
“Wala pong issues, wala pong problema. Lahat ng flood control gumana.” RNT/JGC