HABANG sumasabog sa harap natin ang substandard, overpriced at ghost flood control projects na kagagawan ng mga tiwaling kontratista at pampublikong opisyal, may sumambulat na namang mga anomalya sa iba pang proyektong pang-imprastruktura.
Ito ay ang natuklasan sa Senado na farm-to-market roads na “overpriced” nang mahigit P10 bilyon sa ilalim ng 2023 at 2024 national budget.
Ang rehiyon ng Bicol ang may pinakamalaking bilang ng mga naturang proyekto.
Kung ang Bulacan flood control projects ang nasa sentro ng imbestigasyon nitong mga nakaraang linggo, sa pagkakataong ito ay ang Bicol region at ang FMRs nito.
Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, naitala ng rehiyon ng Bicol ang pinakamalaking bilang ng mga proyekto ng FMR na tinawag niyang “cost overshoot” sa ilalim ng 2023 at 2024 national budget.
Ang mga proyekto ng FMR ay maaaring nagkakahalaga lamang ng P520 milyon ngunit ito ay tumaas dahil sa 68-porsyentong markup. Ito ay sobrang napakagarapal.
Ang mga kalsada sa farm-to-market ang buhay ng mga komunidad na nagtatanim ng pagkain sa end consumers. Ibig sabihin, tayo iyon na mga kumakain. Ilang beses na tayong nakakita ng mga larawan at video ng mga nabubulok na ani sa mga sakahan, karamihan ay gulay na maikli ang buhay, dahil walang mabilis, ligtas, at matipid na paraan upang dalhin ang mga ito sa mga pamilihan?
O dahil ang mga middlemen na bumibili sa mababang presyo ay hirap ding makarating sa tamang oras sa mga prodyuser ng pagkain sa oras. Kaya ang nangyayari, nabubulok ang mga ani ng mga magsasaka.
Kapag bumaba ang supply at tumaas ang mga presyo, ang gobyerno ay umaangkat na lamang ng ng mga aning pangsakahan, mula sa China o sa ibang bansa na hindi tiyak ang kalidad o kung ligtas sa kalusugan.
Ang sobrang pagpepresyo ng mga FMR nang halos 70 porsiyento ay isang daan patungo sa impiyerno para sa mga kontratista at mga politikong tumatanggap ng kickback.
Sila pang mga nagtatanim ng pagkain para sa bansa at nagpapagal, umulan o umaraw, ang kinakana pa ng mga walanghiya. Sobra na itong ginagawang pagnanakaw sa mga taong nasa laylayan.
Manatiling mapagbantay, mga kababayan. Tumingin sa paligid para sa mga proyektong inabandona ng mga demonyong kontratista na may kasabwat na mga pampublikong opisyal na sinusunog na ang mga kaluluwa sa impiyerno






