NEW YORK, United States – Muling naglabas ang FBI ng “Most Wanted” notice sa social media para humingi ng tulong sa publiko sa paghahanap kay televangelist Apollo Quiboloy at dalawang kasamahan nito sa simbahan na sina Teresita Tolibas Dandan at Helen Panilag, na nahaharap sa human trafficking charges sa Estados Unidos.
Ayon sa FBI Dallas, kabilang sila sa apat na taong nasa “Most Wanted” list ng human trafficking.
Hiniling nila sa publiko na tumawag sa 1-800-CALL-FBI, makipag-ugnayan sa pinakamalapit na US embassy o consulate, o magsumite ng tip online.
Kasabay nito, hinihintay ng gobyernong Pilipino ang pormal na request ng US para sa extradition ni Quiboloy, na inaresto sa Davao noong Agosto 2024 at kasalukuyang nakakulong sa Pasig City Jail.
Noong Huwebes, dumalo siya sa Pasig RTC para sa pagpapatuloy ng hearings sa kaso ng human trafficking.
Ayon kay Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, nakabinbin pa ang formal note verbale ng DFA para pormal na maisulong ang extradition, na desisyon ng DOJ kung puwede itong isagawa kahit may nakabinbing kaso si Quiboloy sa Pilipinas. RNT/MND