NAGAWA ng University of the Philippines (UP) ang hindi inaasahan sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament matapos gapiin ang National University (NU) sa limang sets, 26-24, 23-25, 17-25, 25-23, 15-12, nitong Miyerkules sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan.
Ito ang unang pagkatalo ng defending champions na NU ngayong season matapos nilang manalo sa unang walong laro.
Huling natalo ang Lady Bulldogs sa Final Four ng Season 86 laban sa Far Eastern University (FEU). Bumida si Niña Ytang para sa Fighting Maroons na may 30 puntos mula sa 27 attacks at tatlong blocks—ang kauna-unahang 30-point performance ng isang UP player mula nang magtala si Tots Carlos ng 32 puntos noong Season 80.
Nag-ambag din si Joan Monares ng 16 puntos, kabilang ang game-winning hit, kasabay ng walong excellent digs at walong excellent receptions. Sa huli, isang off-speed hit mula kay Monares ang nagbigay ng panalo sa Fighting Maroons, dahilan upang maging emosyonal ang koponan matapos ang laban.
Susunod na makakalaban ng UP ang University of the East sa Linggo, Marso 30, habang maghaharap naman ang NU at FEU sa parehong araw sa Araneta Coliseum. GP