BUHAY pa ang kampanya ng TNT Tropang GIGA sa PBA Season 49 Commissioner’s Cup Finals matapos ang crucial win laban sa Barangay Ginebra San Miguel sa Game 6, 87-83, nitong Miyerkules.
Isa sa mga naging susi sa tagumpay ng TNT ay si Poy Erram, na nagtala ng 12 puntos, kabilang ang isang three-pointer na nagpalamang sa kanilang koponan ng 10 puntos at ilang mahalagang free throw na nagselyo sa panalo.
Ayon kay Erram, kinakailangan niyang bumawi matapos ang mga naging emosyonal na insidente sa mga naunang laro, kabilang ang sagutan nila ni head coach Chot Reyes sa Game 5.
Inamin niya na naging distraksyon siya sa koponan at nais niyang makabawi sa pamamagitan ng mas maayos na laro at pag-uugali sa loob ng court.
Bukod sa mga hamon sa laro, ibinunyag din ni Erram na dumaranas siya ng post-traumatic stress disorder (PTSD) at anxiety, at nahihirapan siyang harapin ang pagkawala ng kanyang ama noong Pebrero 13.
Dahil dito, nagpasya siyang humingi ng propesyonal na tulong upang mas maayos niyang matugunan ang kanyang mental health at mas maging epektibo hindi lamang bilang manlalaro kundi bilang isang tao.
Aniya, hindi siya nahihiyang aminin na kailangan niya ng suporta para sa kanyang sarili, sa kanyang pamilya, at sa kanyang trabaho.
Humingi rin siya ng paumanhin sa kanyang koponan, sa mga tagahanga, at sa media dahil sa kanyang naging asal sa mga nakaraang laro, at nangakong patuloy siyang magsisikap upang makabawi sa Game 7 na gaganapin ngayong Biyernes.GP