MAS marami nang manggagawang Pilipino ang magkakaroon ng access sa mga de-kalidad na tahanan sa mas abot-kayang presyo matapos lumagda sa isang opisyal na kasunduan ang Pag-IBIG Fund at ang Filinvest Land Inc. (FLI) sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (Expanded 4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa pamamagitan ng ginanap na Memorandum of Understanding (MOU) signing, bubuksan ang mga piling residential projects ng Filinvest para sa Pag-IBIG Housing Loan financing. Sa ilalim nito, ang mga kwalipikadong miyembro ng Pag-IBIG ay makakakuha ng preferential pricing at iba pang mga benepisyo sa pagbili ng kanilang sariling tahanan.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary at Pag-IBIG Fund Board of Trustees Chairperson Jose Ramon P. Aliling, ang partnership na ito ay nagpapatibay sa mga tagumpay na nakamit na ng pamahalaan sa paghahatid ng abot-kayang pabahay sa mga pamilyang Pilipino.
“Sa ilalim ng Expanded 4PH Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., marami na tayong naabot na tagumpay sa paglalapit ng abot-kayang pabahay sa ating mga kababayan. Sa pakikipagtulungan natin sa mga nangungunang private developers tulad ng Filinvest, mas marami pa tayong mabubuksang pintuan para sa ating mga manggagawa,” pahayag ni Sec. Aliling.
Pinangunahan nina Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta at Filinvest Land President at CEO Tristan Las Marias ang paglagda sa kasunduan sa Lungsod ng Quezon. Sinaksihan ito nina DHSUD Sec. Aliling, Pag-IBIG Fund Deputy CEO Alexander Hilario G. Aguilar, at FLI Residential Business Head Mary Averose Valderrama.
Ibinahagi rin ni Pag-IBIG CEO Acosta na bukod sa mas mababang presyo ng bahay mula sa Filinvest, makikinabang din ang mga miyembro sa pinagandang mga programa ng pondo:
₱10 Million Loan Limit: Mas mataas na maximum housing loan amount para sa mga miyembro.
3% Subsidized Interest Rate: Para sa mga kwalipikadong socialized housing borrowers sa ilalim ng Expanded 4PH.
Mababang Promotional Rates: 4.5% kada taon para sa pautang na hanggang ₱4.9 million, at 5.75% kada taon para sa pautang na higit ₱4.9 million hanggang ₱10 million.
Ayon naman kay Filinvest Land President Tristan Las Marias, layunin ng FLI na suportahan ang pambansang programa sa pabahay sa pamamagitan ng paghahatid ng de-kalidad na tahanan na mas madaling ma-access ng mga manggagawa.
Upang mas mabilis na maipaabot ang serbisyong ito sa mga mamamayan, magsasagawa ang Pag-IBIG Fund at Filinvest ng mga home-matching activities, housing fairs, property exhibits, at mga direct orientation para sa mga interesadong buyers.
Ang pakikipagtuwang sa Filinvest Land ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Pag-IBIG Fund na makipag-ugnayan sa mga pangunahing real estate developers sa bansa. Kamakailan ay nakipag-partner na rin ang pondo sa SM Development Corp. (SMDC), pati na sa Avida Land at Amaia Land ng Ayala Land.






