MANILA, Philippines- Imbitado ang isang Filipino diplomat at apat na mambabatas sa inagurasyon ni Donald Trump bilang ika-47 presidente ng United States sa Washington, D.C. araw ng Lunes (US time).
Sinabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez sa isang panayam na imbitado siya bilang parte ng diplomatic corps sa US.
“Actually, sa totoo lang, ako lang ang imbitado dahil ang United States Department officially ang representative lang ng each country, the diplomatic corps, ang imbitado. So sa loob ng Capitol ‘yun,” pahayag ng opisyal.
Sinabi ni Romualdez na inimbita ni Representative Joe Wilson ng US House committee on foreign affairs ang apat na Filipino lawmakers kabilang sina Deputy Speaker Antonio Albano at Deputy Raymond Democrito Mendoza.
“Merong ibang mga congressman na nandito ngayon. Inimbita sila ng mga kasama nilang mga congressman ng US kagaya ni Deputy Speaker Tonipet Albano at saka si Deputy Speaker Mendoza…We have about four congressmen who have been invited by Congressman Joe Wilson,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ni Romualdez na hindi imbitado si Pangulong Ferdinand Marcos sa inagurasyon ni Trump dhail “as a matter of policy, no head of state is invited” at “only ambassadors represented in Washington are invited.”
Nagsilbi si Trump ng ika-45 presidente ng United States mula 2016 hanggang 2020, subalit natalo para sa back-to-back term noong November 2020 kay US President Joe Biden.
Inisyal niyang hindi tinanggap ang poll results at hinikayat ang kanyang mga tagasuporta na magtungo sa Capitol upang pigilan ang certification ng poll results, nagresulta sa January 6 insurrection.
Noong November 2024, tinalo ni Trump si US Vice President Kamala Harris para sa US presidency. RNT/SA