MANILA, Philippines – Inaasahan ng Commission on Elections (Comelec) na mailabas ang resulta ng fact-finding investigation laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa susunod na linggo, sinabi ng poll chief nitong Lunes, Hulyo 15.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ang binuong fact-finding committee ng Comelec Law Department ay binigyan ng dalawang linggo upang makumpleto na ang kanilang imbestigasyon.
Nauna nang ipinag-utos ni Garcia ang pagtatag ng komite upang matukoy kung nakagawa si Guo ng material misrepresentation sa kanyang kandidatura noong 2022 polls, na basehan para sa paghahain ng election offense.
Sinabi ni Garcia na ang poll body ay nakipagpulong sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) upang ibahagi ang impormasyon hinggil sa imbestigasyon.
Sinabi rin ni Garcia na ang Comelec ay makikipag-ugnayan sa Office of the Solicitor General.
Aniya, bibigyan si Guo ng pagkakataong tumugon sa mga natuklasan at rekomendasyon ng komite sa paghahanap ng katotohanan.
Una nang sinabi ng komisyon na maghahain ito ng “motu propio” charges laban kay Guo base sa misrepresentation kasunod ng mga natuklasan na siya at ang Chinese passport holder na si Guo Hua Ping ay may matching fingerprints.
Kinuwestyon din ang citizenship ni Guo dahil sa hindi pare-parehong testimonya tungkol sa kanyang backgrounds at ang umano’y kahina-hinalang mga dokumento tungkol sa kanyang pagkakamamamayang Pilipino.
Si Guo ay sentro ngayon ng imbestigasyon sa Senado dahil sa pagkakasangkot sa Philippine Offshore gaming Operators (POGO) hub sa Bamban. Jocelyn Tabangcura-Domenden