MANILA, Philippines- Mahigpit na ipatutupad ng Quezon City Police District (QCPD) ang Executive Order No. 28, Series of 2017, na nagkakasa ng regulasyon at kontrol sa paggamit ng mga paputok at iba pang pyrotechnic devices upang matiyak ang kaligtasan ngayong holiday season.
Mahigit 1,200 tauhan at 2,203 force multipliers ang itatalaga sa mga mall, transportation hubs, mga pasyalan, simbahan, at iba pang high-traffic areas upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.
Nagtalaga ang Quezon City government ng 22 community firecracker zones at dalawang fireworks display areas na mahigpit na babantayan para sa public safety.
Mahigpit na ipinagbabawal ng EO 28 at Republic Act No. 7183, ang mga paputok tulad ng Watusi, Piccolo, Poppop, Five Star (Big), Pla-Pla, Lolo Thunder, Giant Bawang, Giant Whistle Bomb, Special, Atomic Bomb, Atomic Triangle, Large-size Judas Belt, Goodbye Delima, Hello Columbia, Goodbye Napoles, Super Yolanda, Mother Rockets, Kingkong, Kwiton, Super Lolo, Goodbye Bading, Goodbye Philippines, Bin Laden, Coke-in-Can, Pillbox, Kabasi, Tuna, at Goodbye Chismosa.
Samantala, nakipagtulungan ang QCPD sa Quezon City Local Government Unit (QC-LGU) upang ipatupad ang mga regulasyon sa ilalim ng QC Ordinance No. SP-2587 na pinagtibay pa ng QC Ordinance No. SP-3233.
“Hinihikayat ko ang lahat na gumamit ng alternatibong paputok at sumunod sa batas habang ipinagdiriwang ang Holiday Season. Para sa mga emergencies, tumawag sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o ang QC helpline 122. Sama-sama nating gawing ligtas at makabuluhan ang selebrasyon,” ani QCPD Director Col. Melecio Buslig Jr. RNT/SA