Home NATIONWIDE Fishing ban pinairal sa 16 lugar sa gitna ng oil spill

Fishing ban pinairal sa 16 lugar sa gitna ng oil spill

MANILA, Philippines- Iniulat ng Department of Agriculture (DA) nitong Biyernes ang implementasyon ng fishing ban sa 16 lugar sa gitna ng epekto ng oil spill.

Kasunod ito ng tatlong maritime incidents kung saan tumaob at lumubog ang motor tanker (MT) Terra Nova sa Limay, MTKR Jayson Bradley, at MV Mirola 1 sa Mariveles.

Sa isang panayam, sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na ipinatupad ang fishing ban sa ilang lugar sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon, na nakaapekto sa 28,373 mangingisda.

Aniya, hanggang nitong Aug. 8 ay nakapagtala na ng P78.69 million losses.

Sa Metro Manila, ipinatupad ang fishing ban sa Las Piñas at Parañaque; Abucay, Balanga, Limay, Mariveles, at Samal sa Central Luzon; at Bacoor, Cavite City, Kawit, Maragondon, Naic, Noveleta, Rosario, Tanza, at Ternate sa Calabarzon.

Nauna nang sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ang fish samples na may “tainting with petrochemicals” sa oil spill-affected areas ay hindi ligtas kainin.

Samantala, tiniyak naman ni De Mesa ang patuloy na tulong sa mga apektadong mangingisda sa pamamagitan ng BFAR.

Sinimulan na umano ng BFAR ang fuel subsidy rollout na nagkakahalaga ng P3,000 kada mangingisda, kasabay ng pamamahagi ng relief packs.

“Tumutulong din sila sa coastal cleanup sa mga areas na naapektuhan. Nag-donate sila ng mga spill boom na rin at tuluy-tuloy iyong kanilang sensory evaluation,” wika ni De Mesa.

Ayon pa sa opisyal, pinoproseso na ng DA isang pamamahagi ng P1 bilyong quick response fund (QRF) upang tulungan ang mga apektadong mangingisda na makarekober sa pamamagitan ng alternatibong hanapbuhay.

Base sa BFAR, mayroong 46,000 rehistradong mangingisda sa tatlong rehiyon. RNT/SA