MANILA, Philippines – Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules ang monitoring laban sa mga fixer na nagsasamantala sa pamamahagi ng government cash assistance sa gitna ng umiiral na hamon sa energy supply.
Sa isang pahayag, nagbabala si PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na walang tigil na tutugisin ng pulisya ang mga indibidwal na nagsasamantala sa mga mahihinang pamilya habang ipinamamahagi ang ayuda.
“Criminal elements will always find ways in exploiting even a sensitive situation, regardless of the victims,” aniya. “[The] PNP will be there to show them the consequences of their illegal action.”
Nauna nang nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) laban sa mga backer o fixer na umano’y naniningil kapalit ng pagproseso ng financial assistance. Binigyang-diin ng ahensya na libre ang lahat ng serbisyo nito at pinayuhan din ang publiko na huwag maniwala sa mga scam message na humihingi ng contact numbers kapalit ng umano’y government cash assistance.
Ayon kay Nartatez, inatasan na niya ang mga lokal na pulis na paigtingin ang pagbabantay sa panahon ng pamamahagi ng ayuda upang matiyak na makarating ito sa mga kwalipikadong benepisyaryo nang walang harassment o exploitation mula sa mga mapagsamantalang elemento. Ipinaalala rin niya sa publiko na hindi kailangan ng fixer upang makakuha ng cash assistance mula sa gobyerno.
Hinimok din ng PNP chief ang mga benepisyaryo na agad ireport ang sinumang naniningil kapalit ng pagpapadali ng “ayuda” at nanawagan sa publiko na maging mapanuri at maingat upang hindi mabiktima ng mga scam. Santi Celario