Home OPINION FLOOD CONTROL SCANDAL HUWAG TIGILAN

FLOOD CONTROL SCANDAL HUWAG TIGILAN

176
0

KUNG may mawawala ay may bagong darating.

Naaalala n’yo pa ba ang testigong si Sgt. Orly Guteza ng Philippine Marines na nagsabi sa Senado na nag-deliver siya ng male-maletang pera sa bahay ni Martin Romualdez, gayundin sa Aguado St. sa Malakanyang?

Dahil lumalapit na sa “mastermind” ng pandarambong sa pondo ng bayan ang mga pasabog ni Guteza, siniraan ang kanyang mga testimonya at ang matindi ay bigla siyang nawala o hinihinalang kinidnap para patahimikin. Wala nang balita kay Guteza. At ang huling impormasyon ay dinala siya, kasama ang pamilya sa ibang bansa para tuluyang “manahimik”.

Pero kahapon sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan ay may lumabas na labingwalong kasama ni Guteza sa Marines na ang naging trabaho ay magtapon din ng “maleta-maletang basura” sa Forbes Park at Malakanyang. Pinatunayan nila ang mga salaysay ni Guteza. Sila rin ay kasama sa mga naatasang mag- deliver ng bilyong-bilyong pera mula sa kickback sa flood control projects.

Isiniwalat ng ilang dating kasamahan ni Guteza ang mga dokumento at iba pang ebidensyang may kaugnayan sa umano’y paghahatid ng maleta na naglalaman ng pera para sa ilang matataas na opisyal ng pamahalaan.

Ayon sa mga naglabas ng impormasyon, layunin ng kanilang hakbang na patunayan ang mga naunang alegasyon hinggil sa umano’y transaksyon.

Inamin ni Bernard “Belnard” Tube, isa sa mga dating Marine na umano’y naging tagahatid ng maleta ng pera, na nakapaghatid sila sa 41 Forbes at maging sa Ilocos kasama si Cong. Zaldy Co.

Ayon sa kanya, nangyari ito sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Ngunit ang malaking tanong natin ay ganito, pumasa naman kaya ang bagong mga alegasyong ito sa Senate blue ribbon committee ni Sen. Ping Lacson? Mukhang tinapos na kasi ng Senado ang imbestigasyon nito sa flood control scandal.

Wala ring malalaking isdang kinasuhan ang Independent Commission for Infrastructure, pulos maliit lang. Ang mga inaasahan nating malalaking isda na makukulong na isiniwalat ni Guteza ay patuloy na nakalalaya.

Magsasampa pa rin naman daw ng kaso ang abogado ng mga Ex-Marine sa Office of the Ombudsman hinggil sa kanilang mga nalalaman ngunit hindi sila umaasang aaksyonan ito ni Ombudsman Boying Remulla.

Sa 2028, kailangan natin ng susunod na Pangulo ng bansa na hahabol sa mga kawatang mga opisyal ng kasalukuyang pamahalaan. Dapat may mapanagot na mga magnanakaw na kumitil sa maraming buhay dahil sa malawakang pagbaha sa bansa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here