Home NATIONWIDE Forfeiture order vs dating opisyal na sangkot sa pastillas scheme, binawi ng...

Forfeiture order vs dating opisyal na sangkot sa pastillas scheme, binawi ng CA

MANILA, Philippines – Binaligtad ng Court of Appeals (CA) ang naging desisyon ng Muntinlupa RTC na nag-aatas na mabawi ang pera na nasa mga bank account ng dating opisyal ng National Bureau of Investigation at kapatid nito na agent ng Bureau of Immigration (BI).

Ito ay matapos ibasura ng Court of Appeals ang kaso na inihain laban sa dating mga opisyal ng National Bureau of Investigation at Bureau of Immigration na isinasangkot sa “Pastillas” scheme.

Sa desisyon ng CA Eighth Division, binaligtad ang ruling ng Muntinlupa Regional Trial Court na nag-utos na bawiin ang mga nadiskubre sa bank accounts na pag-aari nina dating NBI-Legal Assistance Section Chief Atty. Joshua Paul Capital, kapatid nitong si dating Immigration Officer Christopher Capiral at dalawa nilang kaanak.

Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) batay sa reklamong inihain ng Department of Justice laban sa magkapatid na Capiral noong 2020.

Lumalabas sa imbestigasyon ng AMLC na aabot sa milyun-milyong piso ang halaga ng mga deposit at withdrawal mula 2016 hanggang 2020 gayong hindi ito akma sa kanilang kinikita bilang NBI lawyer at immigration officer.

Naaresto naman ang magkapatid sa entrapment operation ng NBI noong 2020 matapos umano tumanggap ng P200,000 pero ibinasura ng Manila RTC Branch 18 ang reklamong graft at extortion dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Sa kabila ng pagbasura, itinuloy pa rin ng AMLC ang forfeiture case at iginiit na nakakita sila ng sapat na basehan na tumanggap ang mga ito ng pera mula sa money laundering.

Kinatigan ng RTC ang AMLC at ipinag-utos ang forfeiture o pagbawi sa milyun-milyong halaga ng pera.

Pero ayon sa appellate court, nabigo ang prosekusyon na patunayang alam ng magkapatid ang tungkol sa pastillas scheme o kung may ginawa silang sangkot sa money laundering batay sa iprinisintang ebidensiya. TERESA TAVARES