MANILA, Philippines – Isinilbi ng mga awtoridad ang arrest warrant laban sa isang pulis na kinasuhan dahil sa pagpatay sa kapwa nito pulis sa Camp Bagong Diwa noong nakaraang taon.
Ayon kay Police Brigadier General Bonard Briton, Director ng Philippine National Police Integrity Monitoring Enforcement Group (IMEG), isinilbi ang warrant laban kay Police Lieutenant Colonel Roderick Pascua sa custodial facility ng regional headquarters ng NCRPO nitong Martes, Hunyo 24.
Ang arrest warrant ay inisyu ng National Capital Judicial Region Branch 271 at walang inirekomendang piyansa para rito.
Ayon sa report, nag-ugat ang kaso mula sa pagpatay sa biktima na si Police Executive Master Sergeant Emmanuel De Asis, sa Camp Bagong Diwa noong Nobyembre 2024.
Inamin ng suspek na ginawa niya ang krimen at naglabas ng affidavit, kung saan sinabi nitong nahuli niya ang kanyang asawa at ang biktima na mayroong ginagawang kababalaghan.
Kalaunan ay itinuro ng suspek kung saan niya inilibing ang katawan ng biktima.
Noong Disyembre 2024, natagpuan ang katawan ng biktima sa ancestral home ng suspek sa Baguio City.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng IMEG sa Camp Crame. RNT/JGC